Hindi na masisilayan ng kaniyang pamilya ang palangiting mukha ng isang batang lalaki sa Asingan, Pangasinan nang mamatay siya dahil sa tuklaw ng kobra na nakapasok sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Leonard Beltran, anim na taong gulang, ng Barangay Carosucan Norte.

Kuwento ng ama ng bata, pagkatapos nilang mananghalian ay papatulugin na sana niya ang anak sa kama na malapit sa bintana.

Ngunit hindi nila alam na nakapuwesto pala sa bintana ang kobra at natuklaw ang biktima sa noo habang kalong ng ama ang anak.

Sampung minuto lang umano matapos ang pagtuklaw, binawian na ng buhay ang bata.

Ayon sa ama, hinawakan siya ng anak sa kaniyang mukha at nagsabi ng, “Papa, Papa.”

Napag-alaman na nag-iisang anak lang si Leonard, at nagtatrabaho sa abroad ang kaniyang na isang overseas Filipino worker.

Ngunit dahil sa pandemic, hindi na raw makakauwi pa ang ina para sana makita sa huling pagkakataon ang kaniyang anak.–FRJ, GMA News

Read More